Isang Pagkasiphayo

Mahina ako sa Filipino. Hindi dahil wala akong pagmamahal para sa sarili kong wika, kung hindi dahil ang Ingles ay ang aking unang wika. Kapag ako’y nagiisip, ito’y nasa Ingles. Kapag ako’y nananaginip, ito’y nasa Ingles. Kapag ako’y kinakausap ng aking mga kaibigan at kaaway, guro’t kamag-aral, ito’y nasa Ingles. Kahit salitang Intsik, hindi ko kabisado, at ako ay isang Tsinay.

Mahina ako sa Filipino, at ako’y naiirita na hindi ko kayang gumawa ng isang sanaysay sa Filipino. Kailangan ko gumawa ito para sa aking klase sa kolehiyo, para ako’y mananatiling isang Dean’s Lister, ngunit hindi ko talaga kayang gumawa ng isang mahusay at makinis na sulatin sa wika ng aking Inang Bayan. Hindi ba maaring gawin parang klase ko sa Prances ang klase ko sa Filipino — walang kahirapan, walang pagaalala, dahil hindi naman kasali sa aking GWA at hindi nakakaapekto ng aking pagiging iskolar o Dean’s Lister, at dahil doon malugod ang aking pakiramdam sa sabjek? Dahil hindi nga ako lumaking gumagamit ng Filipino!


Pagdating sa Filipino, pakiramdam ko ay tanga ako. Pagdating sa Filipino, nababaliw ako. Kapag ako’y nagsusulat sa Filipino, biglaang may nakakalimutan akong mga salita na dapat alam ko ngunit nawala, naglaho sa ere, at ang mga naalala ko lang na salita ay mura dahil “@#%*%$&! Alam ko iyan! Ba’t nakalimutan ko? Ba’t kailangan ko pang mahirapan?”

Kaya ko naman makipag-usap sa Filipino. Kaya ko ngang gumamit ng “slang” o salitang balbal. Ngunit pagdating sa pagsusulat, pagdating sa pagsusulat, biglaang nawawala ng bisa ang labindalawang taon kong paggagamit ng Filipino, dahil *BOOM*, biglaang nalilipol ang aking kaalaman. Mahusay ako na manunulat — magaling tumula, kayang magsulat ng maikling kwento, at hindi sobrang nahihirapan sa mga sanaysay.

Ngunit kung ito ay nasa Filipino — naku! Patay!

Hindi ako nakakatulog dahil sa sama ng loob ko para sa wika at sabjek na ito. Pakiramdam ko ako ay isang masamang mamamayan ng Pilipinas, na wala akong pag-ibig na wagas para sa Inang Bayan, dahil hindi ko kayang gumamit ng aking Inang Wika. Pakiramdam ko ako ang “malansang isda” na itinukoy ni Rizal. Pakiramdam ko gusto ko talagang umiyak, at napaiyak at napamura nga ako sa klase — itanong mo pa ang aking mga guro sa Filipino 1 at Filipino 3.

Hindi naman sa hindi magaling magturo ang aking mga guro. Hindi naman sa ayaw ko ang wikang Filipino. Hindi naman sa ayaw ko ang aking Inang Bayan, na siyang nais kong makitang nakaahon na sa kahirapan. Hindi naman sa ganun.

Hindi ko talaga kaya. Hinding hindi ko talaga kaya. Ngunit sumisikap pa ako. Nagdadasal pa ako. Sana naman, Panginoon, tulungan mo naman ako matuto na magsulat sa Filipino, para maari kong sabihin ako ay isang totoong mamamayan ng bayan na kung saan ako’y ipinanganak dahil ito ang bansang pinili Mo para sa akin.

Tulungan mo akong matuto ng Filipino, at pagkatapos niyan…

Tulungan mo akong matuto ng Mandarin. Dahil pambihira naman, Tsinay ako na hindi marunong magsalita sa Hokkien at Mandarin.

~ NC


P.S.
Sana mabasa ito ni Bb. Camba at bigyan ako ng bonus points dahil gumawa ako ng blog sa Filipino. Maari kaya ito ang isubmite ko sa aking “online portfolio” para sa aming “final project?”
Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s